Mga Pahina

Linggo, Mayo 31, 2015

High school Days sa Banus, Gloria, Oriental Mindoro

1. Para may dagdag baon, tuwing may libreng oras (kahit sa simpleng pagbili sa tindahan) naging hobby namin ng pinsan ko ang pamumulot ng pako o kahit anung maliit na bakal tulad ng mga turnilyo sa daan. Ibinebenta namin iyon sa kalapit na junk shop. Hindi dyaheng dalhin kasi kasya sa maliit na lalagyan o sa bulsa namin at mas mahal ang kilo kesa sa plastic, bote at dyaryo.

2. Tuwing hapun pag uwi sa eskwela at kapag walang pasok, nangangahoy kami sa likuran ng bahay nina Lolo Celso. Ginagamit namin iyon sa pagluluto.

3. Pakikipag- away sa pinsan ko na minsang umabot sa batuhan ng eveready batteries.

4. Pagbebenta ng mga napanalunan kong lastiko sa mga kapwa ko kalaro na natalo ko (ako bilang 1st year highschool student vs elementary students).

5. Paggawa ng bracelet mula sa bulaklak ng santan. Pag sipsip sa matamis na katas sa stem ng santan. Paghahanap ng santan flowers na may 5 to 6 petals sa paniniwalang swerte iyon at pwede kang magwish.

6. Paglalaro sa may playground ng Banus Elementary School, na kaharap lang ng bahay ng lola't lola ko.

7. Pag-aalaga sa mga nakababatang pinsan.

8. Pagbabantayan sa PULPULAN (ang billiard sa probinsya pero parang mga coins na malalaki na yari sa plastic ang gamit instead na billiard balls). Ako ang nangungulekta ng TONG.

9. Paggawa at pagbebenta ng walis tingting. Pagbebenta ng load, ice candy at ice water sa bahay. Pagbebenta ng ice candy at mani sa elementary school sa tapat namin. Pagbebenta ng barbeque, isaw at iba pang street foods sa may tapat ng waiting shade ng baranggay namin. Pagbebenta ng lugaw at mga ihaw ihaw sa sabungan.

10. Paghuhukay at paghahanap ng kamote sa bakuran ng bahay sa may ibaba (tawag sa bukid papunta sa aplaya sa probinsya).

11. Pagkokopras (niyugan).

12. Paglalaba sa ilog na nasa ilalim ng tulay ng Banus at pagligo pagkatapos.

13. Pagligo at paghugas ng pinggan sa may poso sa may likuran ng bahay. Pag-igib ng inuming tubig mula sa poso sa may palengke ng barangay, na katapat din ng bahay ng lola't lolo ko. Doon din kami nag-iigib ng huling pangbanlaw sa mga puting damit para hindi manilaw.

14. Pagbili ng spaghetti kay Aling Susan sa may palengke tuwing umaga para gawing ulam sa kaning lamig.

15. Pamimiesta sa BULBUGAN, katabing barangay namin.

16. Ang paglaki sa isang extended family sa probinsya ay may pros at cons. Parehas na pros at cons ay ang pakiramdam na madaming may pakialam sa pagpapalaki sayo ng nanay mo.

17. Si JEMEL (acronym ng pangalan nya na dinagdagan ko na lang ng isang letra para di halata) at si Bhabes (mga codename ko sa mga mega crush ko nun highschool). Si JEMEL na ngayon ay isang buhay na patunay na kahit gaano kagwapo at kakisig ang highschool crush mo, malamang na magmumukha din syang siopao pagdating ng araw. Si Bhabes na 11 years later ay crush ko parin. Buti na lang as of this posting ay hindi na.

18. Pag-lalakad hanggang sa aplaya, makaligo lang ng libre sa beach ng Agsalin.

19. Paglalakad mula kanto ng Banus hanggang sa ibaba (sa aming bukid).

20. Pagligo sa ilog ng Agsalin, na napakaganda ng pasukan dahil naghugis kweba na ang mga puno duon na nagmistulang entrance sa mga pupunta sa ilog.

21. Kawayanan Festival. Street Dancing in the tune of "ang lahat ng bagay ay magka-ugnay, magka-ugnay ang lahat"..repeat until fade...

22. Pagpasok araw-araw mula sa dulong barangay (andun ang bahay ng lola't lolo ko) hanggang sa bayan (andun ang school namin).

23. Pumasok sa school na kulang ang pamasahe. Uupo sa likuran ng driver ng multicab o jeep, isasabay namin ang bayad namin ng pinsan ko sa ibang pasahero (kapag kulang ng piso o dos ang pamasahe namin) para hindi kami mahalata (sorry kuya, sa kagustuhan lang talaga namin makapasok).

24. Hindi makasunod sa uso dahil hindi priority ang fashion sa mga kapos sa pera. Ang goal ay patuloy na makapag-aral sa private catholic school na aming pinapasukan.

25. Hindi makasama sa field trips o extra curricular activities dahil sayang ang pera. Balik sa goal na nabanggit na.

26. Mareject sa UP Diliman dahil 2.8 lang ang nakuha ko sa UPCAT.

27. Mag-alala bawat taon ng highschool na baka hindi na makapasok sa susunod na pasukan.

28. Pagdadala ng camera na de film at ubusin sa mga kaklase. Ipaprint ang mga pictures na ang papangit ng kuha. Sayang ang pera pero hindi ang memories.

29. Nagrent ng apartment sa Poblacion/sentro ng bayan nung 4th year na ako.

30. Pagkakantahan sa gabi ang libangan naming magpipinsan. Nabuhay ako ng 4 na taon na hindi nakakapanuod ng mga palabas sa tv, sa kwentuhan ko lang narinig at sa tv ng kapitbahay ko lang napanuod ang Meteor Garden. May tv kami pero dahil walang maayos na antena tanging mga linya na kulay black at white lang ang makikita.

31. Nakahiwalay ang comfort room sa bahay ng lola't lolo ko nung highschool at tuwing umaga kung duon ako maliligo kaylangan kong mag-igib ng tubig hanggang mapuno ko ang palanggana na ipinatong ko sa inidoro.

32. Panuorin ang aming kapitbahay na si Lolo Poldo tuwing nagwawalis sa kanyang bakuran at natutulog sa kanyang rocking chair.

ASTIG ANG BUHAY PROBINSYA!